`D Rill Heart

Aking larawan
Philippines
#The writer of new generation... Follow your... rill h[e]art **,

Lunes, Hunyo 24, 2013

Alam Mo Ba Kung Ano Ang Disiplina?

Itong article na ito ay aking entry para for screening for D'Voice--School newspaper ng school ko.

Alam Mo Ba Kung Ano Ang Disiplina?
Ni: Gesrale Alvez

ALAM kong may disiplina ka. Pero alam mo ba kung hanggang saan ang saklaw ng disiplina? Alam mo ba kung hanggang saan ka dadalhin ng disiplina mo? Marahil hindi mo alam sapagkat kuntento ka na sa mga bagay na permanente na at wala kang oras para baguhin pa. O marahil, ayaw mo lang mangialam sa mga bagay na hindi naman makakaapekto sa paglanghap mo ng hangin.


    Maraming bagay ang saklaw ng disiplina, kung paano ito ilalabas—hindi parang power na lalabas kung may kalaban—kundi kung paano ito gagamitin sa tamang paraan, sa tamang panahon at sa tamang lugar.
Talamak ang mga cellphones ngayon, napapansin mo. Parang baboy na nganganak ng maramihan. Iba-ibang gamit at iba-ibang features. High-tech!


     Pero alam kong mas makaka-relate ka sa salitang “text.” Wala ka mang cellphone, makaka-text ka sa mga kaibigan mo kung walang klase o meron, sa pamamagitan ng panghihiram.


    Ang text o pagti-text ay isang gawain ng isang batang may cellphone na may load. Nagti-text siya dahil nabuburo siya. Nagti-text siya dahil ibig niyang mangulit sa mga kaibigan niya. Nagti-text siya dahil may load siya at ayaw niyang masayang ang bigay na load ng shota o ng nanay niya. Saan ka ba diyan?


     Mr@Mi n4 Tl6A n94Y0n 4n6 My C3lf0n3. Malamang nahirapan kang basahin `yan, pero alam kong nagawa mo na `yan dati pa. “Jejemon” ang tawag diyan. Pinauso ng mga taong walang magawa kundi nakaharap lang sa mga cellphone nila buong araw at gusto lang magpauso para sikat.


     Natanong mo na ba ang sarili mo kung kailangan din ba ng “disiplina” sa pagti-text? Baka hindi. Sigurado ako diyan. Ang madalas mo sigurong itanong o sabihin ay, “Bakit kaya hindi siya nagti-text? Nakaka-badtrip!”


    Ikaw, jejemon ka ba?


    Kung itatanong mo `yan sa akin ngayon. Siyempre, at walang pause na “Siyempre!” W ith exclamatory point. Natatakot ako sa tuwing makakatanggap ako ng isang text message na gumagamit ng salitang jejemon, na sa totoo lang ay hindi mo naman ito makikita sa Tagalog dictionary. Libutin mo pa ang library at baliktarin ang mundo, hindi mo makikita ang “jejemon” sa mga librong nagbibigay impormasyon na tumutulong sa mga estudyanteng tulad ko para maintindihan ang mga salitang deep.


     Grade one ka pa lang ay tinuro na sa `yo kung paano magsulat ng tama. Kung paano isinusulat ng tama ang titik “A.” Natanong mo na ba ang sarili mo kung nanghihinayang ba ang guro mo na pina-graduate ka ng elementary at high school? Nanghihinayang dahil hanggang ngayon ay hindi ka pa rin pala marunong magsulat ng tama. Ikaw, hindi mo ba naiisip na pinagtaksilan mo sila—ang mga guro mo—sa pamamagitan ng pagsusuway sa kanilang mga turo sa `yo?


     Nakakahinayang ang mga panahong iginugol mo sa elementarya at sekondarya kung mananatili kang walang alam sa tamang pagsusulat. Nakakapanghinayang ang mga librong ginamit ng guro mo para maturuan ka ng tamang pagsusulat. Nakakapanghinayang dahil hindi mo nadala sa kolehiyo ang disiplinang pinakita at tinuro sa `yo ng guro mo.


     Ang mga kompletong salita ay nababawasan. Halimbawa, ang salitang “kumusta” ay ganyan ang tamang pagsusulat at hindi “kamusta.” Naging “Kmusta” at naging “Musta” pagkatapos maipamudmod ang mga high-tech na kagamitan na parte na ng buhay ng estudyante—sabi nila. At lumaon at naging “usta.” Umiikli at natatakot ang inyong lingkod dahil baka ito’y maging “ta” na lang sa huli. Pero sa makatuwid ay natutuwa rin ako dahil alam kong tumatalino ang mga tao sa paglipas ng panahon upang maintindihan ang dalawang letrang `yan.


     High school ako nang malaman ko kung ano ang ibig sabihin ng “WUD?” “What U Doing” pala `yon. Saka ko lang nalaman na nagmukha pala akong engot sa kakasagot sa tanong na `yon ng “Oo.” Ang daming nagagawa ang tao dahil nagiging libangan na niya ang isang bagay na dati ay nakakapamuhay naman siya ng normal na wala naman dati. Hindi tulad ngayon na kapag nag-budget ka ng pera mo para bilhin ang mga personal na kailangan mo ay dapat kasali ang load sa listahan ng mga dapat bilhin.


     Kung master ka na sa pagdidisiplina sa sarili mo sa tamang pagtatapon ng basura, sa pagtawid sa mga tamang tawiran, at sa pagsunod sa mga karatulang nakikita mo sa daan, baka puwede mo nang isunod ang tamang pagsusulat.


    Kailan ka matututo kung pudpod na ang keypad mo?


     “Bakit ko naman aayusin ang pagti-text ko, eh, text nga `yon. Natural na ganoon `yon kasi text.” Naalala kong sinabi ng kaibigan ko no’ng punahin ko ang pagti-text niya dahil napuno na ako at hindi ko na siya maintindihan. Gusto ko na nang kompirmasyon kung hindi nga ba talaga siya alien. Sinagot ko siya ng pagkahaba-haba na nagtapos sa “Sino ang may sabi sa `yong natural sa pagti-text ang kulang at hindi maintindihan?”


     Hindi na siya sumagot dahil alam kung ang nasa isip niya ay “ang dati ay hindi na puwedeng baguhin pa.” Hindi ko alam kung meron siyang sinumpaang tungkulin na dapat ang dati na ay hindi na puwedeng baguhin. Tumigil na din ako dahil hindi ko kayang isa-isahin ang mga kaibigan ko na ganoon gumawa ng mensahe. Marami sila at karapatan din nilang matuto sa kanilang pagkakamali sa takdang panahon. Pero hindi ako sigurado sa takdang panahon na `yon kaya ito at ipinararating ko sa inyo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento